Pamilya ng batang nakalunok ng watusi hindi na ma-contact ng ospital; DOH umapelang ibalik ang pasyente sa pagamutan
Umapela ang Department of Health (DOH) sa magulang ng batang nakalunok ng watusi sa Calabarzon na ibalik ito sa ospital.
Sa inilabas na pahayag ng DOH, hindi na matawagan ng pamunuan ng ospital ang pamilya ng 4 na taong gulang na batang lalaki na aksidenteng nakalunok ng watusi.
Umaapela ang DOH sa mga magulang at pamilya ng pasyente na ibalik ito sa ospital para sa kaukulang atensyong medikal.
Sinabi ng DOH na ang sintomas ng pagkalason sa watusi ay maaaring hindi agaran o hindi agad makita sa bata.
Maaaring magpakita at maramdaman ang sintomas ilang oras at pwede ding magtagal sa loob ng ilang araw.
Maaari din itong magdulot ng pagkasawi.
Hindi naman na naglabas pa ng karagdagang detalye ang DOH sa publiko para maprotektahan na din ang privacy ng pasyente at ang kanyang pamilya.
Pinaalalahanan din ng DOH ang mga ospital na maging maingat at manigurado sa pag-refer at paglipat ng mga pasyente.
Kung aksidenteng makakalunong ng watusi, ang mga bata ay maaaring bigyan ng 6 hanggang 8 raw egg whites; habang 8 hanggang 12 raw egg whites sa nakatatanda.
Kailangan ding agad dalhin ang pasyente sa pinakamalapit na emergency room. (DDC)