Mga ilegal na paputok patuloy na naibebenta sa merkado
Ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon naglipana pa din sa merkado ang mga ipinagbabawal na paputok.
Sa isinagawang “Iwas Paputok” monitoring ng toxic watchdog group na BAN Toxics sa Divisoria sa Maynila patuloy na naibebenta ang mga ilegal na paputok gaya ng Atomic, Piccolo, Pla-pla, Whistle Bombs, Bawang at Five-Star.
Dahil dito hinimok ng grupo ang mga otoridad na mahigpit na nipatupad ang pagbabawal na maibenta ang mga paputok na kabilang sa listahan ng illegal firecrackers.
Ayon kay Thony Dizon, toxics campaigner ng BAN Toxics dapat ay paigtingin ng PNP at ng mga local government unit ang kanilang monitoring at pagkumpiska sa mga ilegal na paputok.
Ayon kay Dizon maliban sa delikado sa katawan at kalusugan, hindi rin nakabubuti ang paputok sa kalikasan.
Sinuportahan ng BAN Toxics ang panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na magpatupad ng total ban sa pagbebenta at paggamit nito sa buong bansa. (DDC)