Kaso ng Chikungunya sa bansa patuloy na bumababa – DOH
Bumababa ang bilang ng mga kaso ng Chikungunya sa Pilipinas, batay sa pinakahuling datos ngayong Disyembre.
Ayon sa Department of Health (DOH), bagaman mayroong kabuuang 2,928 na kaso ng Chikungunya na naiulat sa bansa, sa nakalipas na 3 hanggang 4 na linggo o mula Nobyembre 19 hanggang Disyembre 2, 2023 ay 57 lamang ang naiulat na kaso.
Katumbas ito ng 51% na pagbaba mula sa 116 na kaso na iniulat sa dalawang linggong nakaraan.
Wala pang naiulat na nasawi dahik sa nasabing sakit.
Batay sa limang taong datos, kadalasang tumataas ang kaso ng Chikungunya tuwing tag-ulan o mula Hunyo hanggang Setyembre.
Ang Chikungunya ay isang viral disease na nakukuha ng tao mula sa infected na lamok.
Kabilang sa mga sintomas ng Chikungunya ang lagnat, pananakit at pamamaga ng kasukasuan (likod, bukung-bukong, tuhod, pulso), pantal, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, pagduduwal, at pagkapagod. (DDC)