Kumakalat na box office tally para sa mga pelikulang kalahok sa MMFF, peke ayon sa MMDA
Itinanggi ng pamunuan ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang mga kumakalat sa social media na box office tally para sa unang araw ng pagpapalabas sa mga sinehan ng mga pelikulang kalahok sa MMFF ngayong taon.
Ayon kay Atty. Don Artes na siyang concurrent chairman ng MMFF, fake news naman ang mga ulat na kumakalat na nagpapakita ng mga kinita ng bawat pelikula.
Sinabi ni Artes na ang MMFF ay walang inilalabas na anumang uri ng ranking o halaga ng kinita ng bawat pelikula upang maiwasan na maapektuhan o maimpluwensyahan ang desisyon ng manonood.
Ipinaliwanag ni Artes na nais ng pamunuan ng MMFF na mabigyan ng pantay na exposure, spotlight, at suporta sa bawat kalahok na pelikula.
Sinabi ni Artes na ikinatuwa ng MMFF ang mainit na pagtangkilik ng publiko sa mga pelikulang kalahok sa film festival.
Maliban sa mahahabang pila sa mga sinehan simula pa noong Disyembre 25, mas mataas aniya ang kinita sa unang araw ng film festival ngayong taon kumpara sa bentahan ng ticket sa unang araw noong 2022. (DDC)