Higit 1,000 PDLs pinalaya ng BuCor
Nahigitan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang target nitong pagpapalaya sa bilang ng persons deprived of liberty (PDL) na umabot sa mahigit 1,000 na PDLs ang lumaya ngayong Disyembre.
Masayang inanunsyo ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na umabot sa 1,093 PDLs ang nakalaya isang araw bago ang Pasko.
“Magandang pamasko ito para sa ating PDLs at kanilang mga pamilya na magkakasama sama sila ngayong kapaskuhan at may 200 pa tayong palalayain bago matapos ang taon. Target sana natin na mapalaya thia December is 1,000 pero nalagpasan natin yan,” sabi ni Catapang.
Pinasalamatan ng opisyal ang mga tauhan ng BuCor na sobrang nagtrabaho upang maabot ang target na bilang.
Sinabi pa ni Catapang na kasalukuyang ipinapatupad ang “Bilis Laya” program para sa mga kuwalipikadong PDLs para makalaya na sa kulungan lalo na ang mga nakatapos na ng kanilang hatol na minimum at maximum penalties.
Sa katatapos lamang na culminating activity,lumaya ang nasa 985 PDLs mula sa iba’t ibang prison and penal farm na pinapamahalaan ng BuCor at pinalaya pa ang karagdagang 108 PDLs nitong bisperas ng Pasko.
Kabilang sa mga pinalayang PDLs ang mga absuwelto o pinawalang sala ng korte, natapos ang hatol, nabigyan ng probation at parole. (Bhelle Gamboa)