Taxi drivers na namimili ng pasahero, hinuli ng LTO
Nagsagawa ng operasyon ang Land Transportation Office (LTO) sa mga taxi driver na tumatangging magsakay ng pasahero ngayong holiday season.
Ang operasyon ay ikinasa para mahuli ang mga colorum public utility vehicles (PUVs) at ang mga driver ng taxi na namimili ng pasahero.
Pinangunahan ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang operasyon sa bahagi ng SM City North EDSA sa Quezon City.
Ayon kay Mendoza, hindi na uubra sa LTO ang nakasanayang kalakaran ng mga taxi driver na namimili ng pasahero at nananaga ng bayad.
Umabot sa 18 taxi driver ang naisyuhan ng tiket sa nasabing operasyon, 2 sa mga ito ay bigong magpakita ng prangkisa.
Inatasan ni Mendoza ang lahat ng Regional Directors ng LTO na paigtingin ang kampanya ngayong Holiday season. (DDC)