Iligal na bentahan ng complimentary MMFF tickets nabuking, 3 ang arestado
Nabuking ang iligal na bentahan online ng complimentary tickets ng Metro Manila Film Festival (MMFF) matapos madakip ang tatlong hindi pinangalanang suspek sa isinagawang entrapment operation at follow-up operation ng otoridad ayon sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Humingi ng tulong ang MMDA sa Quezon City Police District–District Special Operations Unit na nagresulta sa pagkaka-aresto ng tatlong suspek na nakapagbenta ng 46 complimentary tickets sa pamamagitan ng transaksiyon gamit ang Facebook.
Ibinibenta ang ticket sa halagang P1,300 hanggang P1,500 bawat isa sa isang online selling.
Nagkita ang isa sa mga suspek at ang poseur buyer para sa ticket noong December 14 sa Quezon City kung saan pinatunayan ng MMFF Secretariat na peke ang naturang ibinentang ticket.
Dahilan ito upang magkasa ang otoridad ng entrapment operation upang maaresto ang unang suspek at ikanta ang dalawa pa niyang kasamahan na nakumpiska ang nasa 40 tiket.
Sa gitna umano ng interogasyon, itinuro na rin ng dalawa ang pinagkukunan ng MMFF tickets na nadakip din sa follow-up operation.
Ayon kay MMDA Chairman at overall MMFF Chairman na Atty. Don Artes, “strictly not for sale” ang complimentary tickets at hindi pinapayagan ang sinuman na ibenta ito at pagkakitaan.
Ang tatlong suspek ay sinampahan na ng kasong Estafa sa pamamagitan ng Falsification of Public Documents kaugnay ng R.A 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Panawagan ni Artes sa publiko huwag patulan ang mga ibinebentang MMFF complimentary tickets at sa halip ay ireport ito sa MMDA.
Babala pa ng opisyal ang sinumang mahuhuling nagbebenta o bibili ng nasabing tiket ay papatawan ng parusa alinsunod sa batas. (Bhelle Gamboa)