Sen. Estrada nagkaloob ng P10M para sa mga may karamdaman sa Taguig

Sen. Estrada nagkaloob ng P10M para sa mga may karamdaman sa Taguig

Nagpasalamat ang Taguig City kay Senator Jinggoy Estrada sa pagkakaloob nito ng P10,000,000 bilang suportang pinansiyal sa Taguiguenos na may mga karamdaman gaya ng cancer, sumasailalim sa dialysis, at nangangailangan ng operasyon o therapy.

Umabot sa 1,300 na pasyenteng Taguiguenos ang nakatanggap ng cash assistance sa isinagawang pamamahagi sa Dueñas Gymnasium, Brgy. Central Signal Village nitong December 19.

Binigyang importansiya at pinasalamatan ni Mayor Lani Cayetano ang senador sa ibinigay na ayuda sa mga nangangailangan.

“Marami po ang mga taong tumutulong sa atin, nagpapaabot ng pagmamahal sa ating lahat. Sa lahat ng pagkakataon, ipapanalangin po natin na gabayan ng Panginoon si Senator Jinggoy sa paglilingkod nya sa Senado. Marami po ang mga natutulungan ang kanyang tanggapan, at hindi niya ipinagkait ‘yan dito sa City of Taguig. Kaya sana po tatandaan natin itong napakahalagang tulong na ibinigay niya sa atin,” pahayag ni Mayor Lani.

Siniguro naman ni Sen. Jinggoy na ang kanyang tanggapan ay patuloy na magkakaloob ng financial support sa Taguig.

“Hindi po ito ang unang beses na pagpunta ko rito. Sa susunod na taon uulit-ulitin ko ang pagtulong dito sa lungsod ng Taguig. Habang punong-lungsod si Mayor Lani, taun-taon po akong magbibigay ng tulong dito sa Taguig,” sabi ng senador.

Mahigit 1,500 na Barangay Security Force (BSF) o Barangay Tanods mula sa Districts 1 at 2 ay nakatanggap din ng cash assistance bilang pagpapasalamat at pagkilala sa kanilang walang kapagurang pagpapanatili ng kaligtasan sa mga komunidad. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *