DILG pabor sa firecracker ban; pangangasiwa sa fireworks displays isinusulong
Nanawagan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa mga local government units (LGUs) na magpasa ng mga ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng paputok at indibiduwal na fireworks displays sa kanilang lokalidad.
“Ako ay nananawagan na sana ay magkaroon ng lokal na ordinansa [banning fireworks display in communities]. Anyway kaya namang i-celebrate ang Bagong Taon nang maayos [kahit walang paputok],” sabi ni Abalos.
Inihayag nito ang kanyang panawagan sa gitna ng Lab 4 All: Christmas for All gift-giving activity sa Jose Fabella Center sa Mandaluyong City.
Sa halip isinulong ni Abalos ang pangangasiwa sa fireworks displays sa common spaces tulad ng municipal town halls at iba pang designated areas o inilaang lugar.
Idinagdag pa ng kalihim na ang nasabing pag-iingat ay makatutulong na mabawasan ang mga aksidenteng may kaugnayan sa paputok at mga insidente sa panahon ng kapaskuhan.
Matatandaan noobg 2027 nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 28 na nagbabawal ng paputok sa mga bahay o mga tirahan sa buong bansa at tanging ang community fireworks displays na pinangangasiwaan ng lisensiyadong indibiduwal ang pinapayagan lamang.
Apela pa ni Abalos sa LGUs na gayahin ang parehong hakbang ng pag-iingat na nananatiling ipinapatupad ng ibang pamahalaang lokal tulad ng Davao City at Quezon City.
Layunin ng ban na mabawasan ang firecracker-related injuries sa nalalapit na selebrasyon ng pagsalubong sa Bagong Taon.
“Nananawagan ako sana ang mga LGU, magpasa ng firecracker ban gaya ng ginawa ng Davao at Quezon City,” diin nito.
“Ibig sabihin ‘yung mga pumuputok. Kasi nakita naman natin ‘yung mga daliri napuputol, i-ban na natin totally ‘yun,” dugtong pa ni Abalos.
Noong nakalipas na Bagong Taon,nakapagtala ang Department of Health ng 211 na kaso ng nasugatan dahil sa paputok kung saan 30 porsiyentong mas mababa sa five-year average na 300. (Bhelle Gamboa)