MPT South handa na sa holiday traffic surge sa CAVITEX at CALAX
Nakahanda na ang Metro Pacific Tollways South (MPT South), isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), sa pagdagsa ng mga motorista sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX), sa C5 Link segment nito, at maging sa Cavite-Laguna Expressway (CALAX), ngayong papalapit na ang holiday season at mas dumarami na ang mga lumalabas upang mamili at magbakasyon.
Simula sa susunod na linggo hanggang sa katapusan ng Disyembre 2023, inaasahang madadagdagan ng 15% hanggang 20% ang bilang ng mga sasakyan na bibiyahe sa CAVITEX.
Ibig sabihin ay papalo sa 208,000 sasakyan ang babaybay dito, mula sa kasalukuyang bilang na 181,000 average daily traffic. Habang 35% increase naman ang inaasahan sa CALAX, na tataas sa 47,000 sasakyan mula sa kasalukuyang bilang na 35,000. Malaking bilang dito ay dahilan sa mga motoristang patungo sa mga pasyalan sa Tagaytay, na mas naging accessible dahil sa pagbubukas ng Silang (Aguinaldo) Interchange ng CALAX.
Dahil dito, inilagay na sa ‘high-alert’ status ang operasyon ng MPT South at muling inilunsad ang taunang ‘Safe Trip Mo, Sagot Ko’ motorist assistance program sa mga sumusunod na petsa: alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 22 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 24, 2023; alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 26 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 27, 2023; at 6:00 ng umaga ng Disyembre 30, hanggang alas-6:00 ng umaga ng Enero 2, 2024.
Dadagdagan nito ang on-ground personnel gaya ng traffic marshall, toll assists, standby emergency medical services, at incident response teams na tutugon sa mga nangangailangang motorista.
Bukas rin 24/7 ang mga sumusunod na tanggapan ng toll road company para umalalay sa mga motorista: 24/7 Customer Service Centers, 24/7 Customer Care Hotline 1-35000, at mga 24/7 social channels (Facebook: http://fb.com/cavitexpressway, fb.com/OfficialCALAX, at Twitter accounts: http://twitter.com/caviteXpressway http://twitter.com/OfficialCALAX)
Sa ilalim ng programa, libre ang towing services para sa CLASS 1 vehicles patungo sa pinaka malapit na exit sa nabanggit na petsa.
“As we gear up to ensure a safe and smooth journey for our motorists this holiday season, we advise everyone to plan their trips and check their vehicle’s health to avoid untoward incidents. We also encourage our motorists to take advantage of using their Easytrip RFID for quicker toll transactions, and even stand a chance to win in our MPTC’s Happy Holideals promo if they reload their account via MPT DriveHub App,” ani Mr. Raul Ignacio, MPT South President and General Manager.
Bukod sa pagsiguro sa maayos na daloy ng sasakyan, ang pagmaintain ng positive load balance ay maaaring maging susi sa pag-uwi ng mga malakihang papremyo.
Unang inanunsyo ng MPTC ang pagbabalik ng ‘Happy Holideals’ promo na may mas pinahabang promo period mula Disyembre 8, 2023 hanggang Marso 7, 2024.
Maaaring mag-uwi ng brand new Chevrolet Tracker LS ang dalawang lucky winners, P50,000 cash prize para sa 40 winners, at P100,000 para sa 10 winners, sa pamamagitan lamang ng pag reload ng Easytrip RFID account via MPT DriveHub app, at pagdaan ng apat na beses (minimum) sa anumang MPTC expressways: CAVITEX, CAVITEX C5 Link, CALAX, CCLEX, NLEX, NLEX Connector, at SCTEX, habang umiiral ang promo.
Para makakuha ng points, kailangang mag-download ng MPT DriveHub app at i-link ang Easytrip o CCLEX account dito. Sa bawat reload ng P200 sa app, makakakuha ito ng karagdagang 1 point. Ang bawat point ay katumbas ng isang raffle entry- mas maraming points, mas malaking tsansang manalo. Para sa kabuuang mechanics bisitahin ang https://www.mptdrivehub.com.ph/promos/holideals . Per DTI Fair Trade Permit No. FTEB-179965 Series of 2023.
Ang MPTC ay ang pinakamalaking toll road developer at operator sa bansa. Bukod sa CALAX at CAVITEX road networks, kabilang sa portfolio nito ang concession para sa North Luzon Expressway (NLEX), ang NLEX Connector Road, ang Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at ang Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) sa Cebu. (Bhelle Gamboa)