Pangulong Marcos at kaniyang delegasyon nakabalik na ng bansa matapos dumalo sa ASEAN-Japan Commemorative Summit
Balik-Pilipinas na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mula sa kaniyang pagdalo sa ika-50 na ASEAN-Japan Commemorative Summit.
Nakarating sa bansa ang pangulo at kaniyang delegasyon 10:38 ng gabi ng Lunes (Dec. 18).
Sa kanyang arrival speech, inihayag ng pangulo ang mga hakbang ng Pilipinas para sa malinis na enerhiya.
Inanyayahan ng pangulo ang mga miyembro ng Asia Zero Emission Community na mamuhunan sa renewable energy ng bansa.
Nag-uwi rin ng dagdag investment pledges si Pangulong Marcos at kanyang delegasyon mula sa meeting kasama ang Japanese business community.
Ayon sa pangulo ayroong P14.5 billion na halaga ng investments at pledges ang pakikinabangan ng bansa na inaasahang makalilikha ng 15,750 na trabaho.
Ayon kay Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Frederick Go, mahigit sa 20 kumpanya ang nagbigay ng updates sa pangulo ng kanilang mga pledges simula sa kanyang Japan trip nito noong Pebrero.
Ani Go, natatamasa na ngayon ng bansa ang mga bunga ng pagbisita ni Pangulong Marcos sa Japan ngayong buwan at sa Pebrero ng taong kasalukuyan.
Sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa Japan ay nagkaroon ng aktuwal na pamumuhunan na humigit-kumulang P169 billion. (DDC)