Mas maigting na inspeksyon sa mga pampasaherong bus at mga terminal iniutos ng LTO
Iniutos ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang mas lalo pang paghihigpit sa inspeksyon sa mga pampasaherong bus at mga terminal nito ngayong Christmas Season.
Ayon kay Mendoza, inaasahan sa mga susunod na araw ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga bus terminal para bumiyahe pauwi sa kani-kanilang lugar para ipagdiwang ang Pasko.
Sinabi ni Mendoza, na mahalaga na naipatutupad ng tama ang inspeksyon sa mga pampasaherong bus para maiwasan ang mga aksidente sa kalsada gaya na lamang ng nangyari sa Antique.
Kailangan ayon kay Mendoza na mabusisi ang mga bus bago sila umalis ng terminal.
Inatasan din ng LTO chief ang lahat ng Regional Directors at District Office ng ahensya na tiyakin na maayos ang mental at physical condition ng mga driver ng bus.
Bahagi nito ang pagpapatupad ng surprise at mandatory drug tests. (Dona Dominguez-Cargullo)