Hirit na dagdag singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water inaprubahan ng MWSS
Inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang hirit na dagdag singil sa tubig ng Manila Water at ng Maynilad sa susunod na taon.
Sa press conference, sinabi ni MWSS Regulatory Office chief Patrick Ty, ang ipatutupad na dagdag singil sa tubig ay nasa pagitan ng P6.41 hanggang P7.87 per cubic meter simula sa January 2024.
Ang pag-apruba sa dagdag singil ng dalawang kumpanya ay dahil sa inflation at bunsod na din ng spending program na ipinatupad ng water concessionaires.
Sinabi din ni Ty na bahagi din ng rason sa pagpapatupad ng dagdag singil ay para makapaghanda sa epekto ng El Niño sa susunod na taon.
Ayon kay Ty, inatasan ng MWSS ang dalawang kumpanya na tiyakin ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig at hindi makararanas ng water crisis dahil sa El Niño.
Ang Manila Water ay pinayagan na magdagdag ng P6.41 per cubic meter.
Katumbas ito ng dagdag na P2.96 sa water bill ng mga low-income lifeline customers, P34.12 para sa mga kumokonsumo ng 10 cubic meter per month, P76.68 para sa mga kumokonsumo ng 20 cubic meter per month at P154.55 na dagdag para sa mga kumokonsumo ng 30 cubic meter per month.
Ang Maynilad naman ay magtataas ng P7.87 per cubic meter.
Katumbas naman ito ng dagdag na P4.74 per month sa water bill ng mga low-income lifeline customers, P26.61 para sa regular lifeline customers, P100.67 para sa kumokonsumo ng 20 cubic meter per month, at P205.87 para sa kumokonsumo ng 30 cubic meter per month. (DDC)