Toxic watchdog group hinikayat ang publiko para sa toxic-free at waste-free na Pasko at Bagong Taon
Inilunsad ng grupong BAN Toxics ang “Iwas Paputok” campaign nito katuwang ang mga mag-aaral, guro at pamunuan ng Toro Hills Elementary School sa Quezon City.
Layon ng nasabing kampanya na hikayatin ang publiko na iwasan ang paggamit ng paputok sa sa Pasko at Bagong Taon dahil maliban sa masama ito sa kalusugan ay hindi rin maganda ang dulot nito sa kapaligiran.
Ayon sa grupo, napapanahon ang nasabing panawagan matapos ang malaking sunog sa Lapu-lapu City kung saan paputok ang pinaniniwalaang pinagmulan ng apoy.
Sa ilalim ng kampanya na may temang “Iwas Paputok, Iwas Disgrasya, Iwas Polusyon,” nakipag-tulungan ang BAN Toxics sa paaralan, local officials, at sa Philippine National Police at Bureau of Fire Protection para sa idinaos na awareness-raising community parade.
Sinabi ni Thony Dizon, Toxics Campaigner ng grupo, mahalaga na maipagpatuloy ang pagsasagawa ng public awareness sa hindi magandang epekto ng firecrackers at fireworks lalo na sa mga bata.
Ani Dizon, ang mga kemikal na taglay ng paputok gaya ng cadmium, lead, chromium, aluminum, magnesium, nitrates, nitrite, phosphates and sulfates, carbon monoxide, copper, manganese dioxide, potassium, sodium, at iba pa ay delikado sa kalusugan at maaaring makapinsala sa nervous at respiratory systems.
Panawagan ng grupo sa PNP, regulatory agencies, at local government officials magsagawa ng monitoring at inspeksyon para makumpiska ang mga paputok na ibinebenta sa merkado kabilang na ang mga ibinebenta online. (DDC)