Paglikha ng Task Force El Niño iniutos ni Pangulong Marcos
Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng Task Force El Niño upang maibsan ang epekto nito na inaasahang magtatagal hanggang sa ikalawang bahagi ng susunod na taon.
Sa sectoral meeting na idinaos sa Malakanyang sinabi ng pangulo na ang task force ay pamumunuan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa ilalim ng Office of the President.
Sinabi ng pangulo na dapat pagtuunan ng pansin ang mga hakbang para sa pagkakaroon ng short-term at long-term interventions.
Batay sa National Action Plan for El Niño, tinukoy ng gobyerno ang limang sektor na maaaring pagtuunan ng pansin ng pamahalaan sa pagtugon sa epekto ng El Niño, kabilang ang tubig, pagkain, kuryente, kalusugan at public safety.
Ayon sa report ng DOST, 65 probinsya sa bansa ang posibleng makaranas ng drought habang 6 na lalawigan naman ang maaaring makaranas ng dry spell. (DDC)