Christmas tree lighting at “Love Las Piñas Christmas” inilunsad ng Las Piñas LGU

Christmas tree lighting at “Love Las Piñas Christmas” inilunsad ng Las Piñas LGU

Ang diwa ng kapaskuhan ay makulay at nagningning sa Las Piñas City sa pagpapailaw ng Christmas tree kasabay ng opisyal na paglulunsad ng “Love Las Piñas Christmas” logo ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Imelda “Mel” Aguilar, sa Las Piñas City Hall compound nitong December 7.

Ito ay bagong yugto ng lungsod sa pagdiriwang ng kapaskuhan na mayaman sa diwa ng pagkakaisa at katatagan sa komunidad, pagbabahagi ng mga kuwento at puno ng kasiyahan.

Kabilang sa dumalo sa seremonya ang anak ng alkalde na si Alelee Aguilar-Andanar, mga konsehal ng Las Piñas at department heads kasama ang maraming residente na masayang nakibahagi sa pagdiriwang.

Binigyang importansiya ni Mayor Aguilar ang diwa ng pagkakaisa at pagmamahalan sa komunidad lalo na ngayong kapaskuhan sa kabila na naharap ang lahat sa iba’t ibang hamon na dulot ng pandemya.

“Ang COVID 19 Pandemic ay bahagyang nakapagbago sa ating celebration ng pasko at bagong taon, ngunit hindi ito naging hadlang sa aming pagbati ng isang maligayang pasko at manigong bagong taon sa inyong lahat,” sabi ni Mayor Aguilar.

Tampok sa seremonya ang napakagandang mga ilaw at musika, pagtatanghal ng mga iskolar ng bayan mula sa chorale group ng Dr. Filemon C. Aguilar Memorial College of Las Piñas (DFCAMLP) at duet performance ng Monterozo twins, na kapwa kawani ng lokal na pamahalaan, na pawang nagdagdag ng kaaliwan at saya sa lahat.

Sinundan naman ito ng pagpapailaw sa Christmas tree na sinabayan pa magandang pyrotechnics display na nagbigay ningning at makulay na liwanag sa Las Piñas.

Ang pagpapailaw sa Christmas tree ng Las Piñas City ay hindi lamang sumasagisag sa pagsisimula ng kapaskuhan kundi nagsisilbi itong ilaw ng lungsod sa patuloy na katatagan at pagkakaisa sa komunidad, na siyang tunay na diwa ng Pasko. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *