Bilang ng mga Pinoy na walang trabaho nabawasan noong buwan ng Oktubre – PSA
Bumaba ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho noong buwan ng Oktubre kumpara noong buwan ng Setyembre.
Batay ito sa Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa, nakapagtala ng 2.09 million na unemployed noong Oktubre, mas mababa kumpara sa 2.26 million noong Setyembre.
Katumbas ito ng 4.2 percent na unemployment rate.
Mas mababa din ito kumpara sa 2.24 million na walang trabaho na naitala noong Oktubre 2022.
Samantala, nakapagtala naman ng 47.08 million na may trabahong Pinoy o 95.8 percent na employment rate noong Oct. 2023. (DDC)