Pamunuan ng MRT-3 hihirit ng taas-singil sa pamasahe
Maghahain ng petisyon ang pamunuan ng MRT-3 para humiling ng dagdag singil sa pamasahe.
Ayon kay MRT-3 Office-in-Charge Jorgette Aquino, sa panukalang dagdag singil sa pamasahe ay mananatiling mas mababa ang pamasahe sa MRT-3 kumpara sa sa mga City buses, at PUJs.
Sinabi din ng National Economic Development Authority (NEDA) na ang panukalang fare increase sa MRT-3 ay magkakaroon lamang ng minimal impact sa inflation.
Sa ilalim ng panukala, nais ng MRT-3 na itaas ang distance fare ng 21 cents mula sa kasalukuyang P1 patungo sa P1.21, at ang boarding fee nito ay tataasan ng P2.29 mula sa kasalukuyang P11 patungo sa P13.29.
Kung maaaprubahan, ang minimum fare sa MRT-3 ay magiging P16 na mula sa kasalukuyang P13.
Habang ang maximum fare ay magiging P34 na mula sa kasalukuyang P28.
Sinabi ni Aquino na lugi ang MRT-3 sa operasyon nito at nagkakaloob ang gobyerno ng subsidiya na ang halaga ay P41 kada pasahero.
Taong 2015 pa ng huling magtaas ng singil sa pamasahe ang MRT-3. (DDC)