Pag-atake sa MSU kinondena ni Sen. Bong Go
Mariing kinondena ni Senator Christopher “Bong” Go ang pag-atake ng mga terorista sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City.
Nagpaabot din ang senador ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at nasaktan sa nangyari.
“Taus-puso akong nakikiramay sa mga pamilya ng mga namatayan at nasaktan sa pag-atakeng ito. Masakit para sa sinumang magulang, kapatid o anak, ang mawalan ng mahal sa buhay lalo na kung dulot ng karahasan,” ayon kay Go.
Bilang vice chairman ng Senate Committees on National Defense at Public Order, nanawagan si Go sa mga otoridad na tugisin ang mga nasa likod ng pagpapasabog at tiyaking sila ay mananagot.
Ang mga ganitong uri aniya ng pag-atake sa educational institutions gaya ng MSU ay matapat lamang kondenahin.
Dapat din aniyang pangunahing prayoridad ang pagtitiyak ng kaligtasan ng mga estudyante.
“The function of terrorism is to terrorize people. If we allow ourselves to be terrorized, terrorists win. As such, we must remain united and should not allow this crime to trigger sectarian hatred and further animosity among Filipino people,” dagdag ng senador. (DDC)