135 Chinese Maritime Militia Vessels na-monitor sa Julian Felipe Reef
Na-monitor ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 135 na Chinese Maritime Militia Vessels (CMM) sa Julian Felipe Reef.
Ayon kay Coast Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, unang na-monitor ng PCG ang 111 Chinese Maritime Militia (CMM) sa Julian Felipe Reef noong Nov. 13 at tumaas pa ito sa 125 base sa pinakahuling monitoring ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Dahil dito, iniutos ni National Security Adviser at chairman ng National Task Force on the West Philippine Sea, Eduardo Año, sa PCG na magsagawa ng maritime patrol para maidokumento ang ilegal na presensya ng mga CMM sa lugar.
Noong Linggo (Dec. 3) nag-deploy si PCG Commandant, Coast Guard Admiral Ronnie Gil Gavan ng BRP Sindangan at BRP Cabra para magpatrulya sa bisinidad ng Julian Felipe Reef.
At doon nakita na umabot na sa 135 ang barko ng China sa lugar.
Ang Julian Felipe Reef ay matatagpuan sa 175 nautical miles west ng Bataraza, Palawan.
Kaugnay nito tiniyak ng Coast Guard na patuloy nitong gagampanan ang tungkulin na protektahan ang territorial integrity, sovereignty, sovereign rights, at hurisdikasyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea batay sa international laws.
Ayon kay Gavan, patuloy ang gagawing pagpapatrulya ng mga barko ng Coast Guard sa West Philippine Sea. (DDC)