Biggest lights park sa bansa, muling binuksan ng Taguig LGU

Biggest lights park sa bansa, muling binuksan ng Taguig LGU

Binuksang muli ng Taguig City Government ang pinakamalaking lights park sa bansa, ang “Christmas by the Lake” na nasa anim na ektaryang Lakeshore Complex sa lungsod ngayong November 29.

“Ipinagmamalaki namin ang Taguig, ang aming Probinsyudad, isang lungsod kung saan mai-enjoy mo ang finest amenities of a modern city pero napaka-unique po namin dahil mararamdaman ninyo dito yung charm ng isang probinsya. Saan ka makakakita ng lungsod sa Metro Manila na ganito? Proud po kami sa aming Probinsyudad and we are happy to share the happiness of Taguigueño to all of you,” sabi ni Mayor Lani Cayetano.

Saya sa puso ang hatid naman sa mga Taguigueño at bisita sa mabubungarang higanteng Christmas tree pa lamang na may libu-libong makukulay at kumukutitap na ilaw na may iba’t ibang dekorasyon.

Tampok din sa lugar ang food kiosks at isang stage na nakalaan sa mga masasayang kaganapan ngayong Kapaskuhan.

Agaw-pansin din ang Graffiti Tunnel na may naggagandahang murals na likha ng local artists na ginamitan ng fluorescent materials; maaaring magpakuha ng litrato sa “I Love Taguig” installation; Giant Coloring Floor; Heart Tower; 3D Lighted Church, na replika ng makasaysayang Santa Ana Church na itinatag noong 1587 at nagsilbing minor basilica sa 2022; magical Dancing Light Tunnel at mga ilaw na korteng itlog.

Sa TLC Park ay matatagpuan din ang Aqua Luna Lights and Sounds Show, na nagtatampok sa laser at beam animations na sinasabayan ng magagandang sound effects kasama ang aerial lights show.

Sa tuwing alas-6:00 ng gabi ipapalabas ng 30 minuto ang “Ang Regalo ni Kaimana,” na tampok ang mga aral sa buhay.

Patok din sa panlasang Pinoy ang iba’t ibang mga pagkain sa TLC Food Park sa Laguna Lake at sa Mercado Del Lago Food Park.

Naglaan din ang lokal na pamahalaan ng parking areas para sa nga bisitang may sasakyan habang nakaantabay sa lugar ang medics at mga pulis.

Ang Lights of Christmas ay bukas sa publiko hanggang January 14, 2024. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *