MMDA nagbigay ng 6,516 galon ng purified water sa mga binaha sa Northern at Eastern Samar
Walang inaksayang panahon ang team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipinadala para tumulong sa mga nasalanta ng matinding pagbaha sa Northern at Eastern Samar.
Umabot na sa 6,516 galon ng purified water para sa panggamit at pangluto ang naipamahagi sa mga pamilya sa mga apektadong lugar habang hinihintay pa ang resulta ng water test doon.
Kabilang sa naserbisyuhan ng MMDA team ang munisipalidad ng Mondragon-Brgy. Bagasbas, San Roque-Brgy. Pagsanjan, munisipalidad ng Lope de Vega-Barangay: Poblacion, munisipalidad ng Catarman- Brgy. Hinatad, at munisipalidad ng Catarman- Brgy: Tinuwaran.
Binubuo ang MMDA team mula sa mga tauhan sa Public Safety Division at Road Emergency Group na ipinadala ng ahensiya noong Nobyembre 24 alinsunod sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang mga nasalanta ng pagbaha sa nabanggit na mga lalawigan bunsod ng shear line na siyang nagpapaulan doon.
Inatasan silang magsagawa ng humanitarian at relief operations para sa mga apektadong residente kabilang na rito ang pagbibigay ng malinis na inuming tubig.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, bitbit ng humanitarian contingent ang nasa 60 unit ng solar-powered water purification system na kayang makalikha ng 180 galon ng inuming tubig kada oras.
(Bhelle Gamboa)