Las Piñas nagsagawa ng Kasalang Bayan; mahigit 100 couples sabay-sabay na pinagbuklod
Umabot sa 115 na magkapareha ang sabay-sabay na pinag-isang dibdib dahil sa kanilang wagas na pagmamahalan, sa Kasalang Bayan o Mass Wedding na inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa Verdant Covered Court sa Barangay Pamplona Tres.
Napuno ng pag-ibig at saya ang pagbubuklod ng mga magkakapareha sa memorableng regalo ng lokal na pamahalaan para sa kanilang libreng kasal.
Ang engrandeng seremonya ay bahagi ng pangako ng lokal na pamahalaan na palakasin pa ang ugnayan nito sa komunidad.
Masayang ipinahayag ni Vice Mayor April Aguilar sa mga bagong kasal ang kanyang pinakamagagandang hiling para sa maayos at matatag na pagsasama sa pagbuo ng kani-kanilang pamilya.
Ang Kasalang Bayan program ay inisyatibo nina Mayor Imelda “Mel” Aguilar at Vice Mayor April na nag-aalok ng libre at kumbinyenteng proseso ng kasal para sa mga residente.
Pinagkalooban din ng lokal na pamahalaan ang bawat magkapareha ng singsing, ceremonial cake,wine at gift tokens o mga regalo.
Ang matagumpay na mass wedding ay pinangasiwaan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Sa naturang aktibidad ay ipinamalas ng lokal na pamahalaan ang magandang serbisyo sa kanyang mamamayan at pinagyabong pa ang mayamang kultura ng lungsod. (Bhelle Gamboa)