Lagusnilad sa Maynila binuksan na sa mga motorista matapos ang anim na buwan na rehabilitasyon
Simula Martes (Nov. 28) ng umaga ay muling binuksan ang Lagusnilad sa Maynila.
Ito ay makaraang isailalim ang kalsada sa anim na buwan na rehabilitasyon.
Inayos ang mga lubak sa kalsada at ginawa ng sementado sa halip na espalto.
Nilagyan din ito ng bagong cat’s eye o road stud na solar.
Mas maliwanag na din ang bagong gawang Lagusnilad.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, kung dati-rati napupuno ng tubig-baha ang Lagusnilad kapag tag-ulan, ngayon ay mas maayos na ang drainage system nito kaya hindi na ito babahain.
Pinondohan ng P70 million ang pagsasaayos ng Lagusnilad, kung saan ang P20 million ay mula sa tanggapan ni Manila 5th Dist. Rep. Irwin Tieng, habang ang P50 million naman ay mula sa pondo ng Manila City LGU. (DDC)