17,000 na mga bata tumanggap ng Pamaskong regalo mula sa Malakanyang
Binuksan ang Malacañang Grounds sa mahigit 1,700 na mga piling shelter at orphan care centers noong araw ng Linggo, Nobyembre 26.
Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Louise “Liza” Araneta-Marcos ang “Balik Sigla, Bigay Saya” na araw ng pagbibigay ng regalo, na sabay-sabay na ginanap sa 300 satellite center sa mahigit 17,000 bata sa buong bansa.
Ang “Balik Sigla, Bigay Saya” gift-giving activity ay ginanap sa mahigit 250 na lokasyon sa buong bansa.
Katuwang dito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang mga pribadong grupo ng na kinabibilangan ng Jollibee at San Miguel Corporation.
Sa National Capital Region (NCR) mayroong 1,120 na mga bata ang nakatanggap ng kanilang maagang pamasko; 449 mula sa Cebu; 600 sa Davao; at, higit sa 14,867 mga bata sa iba pang mga satellite center sa buong bansa.
Sa kanyang talumpati, inalala ni Pangulong Marcos ang kanyang pinakamasayang Pasko noong kanyang kabataan.
“Alam ninyo, noong kasing tanda ko lang kayo, maliit din ako noon, ‘yung tatay ko siya ang presidente rito. Kaya bawat Pasko ganito ang aming ginagawa dito,” ayon sa pangulo.
Ayon sa pangulo ang aktibidad ng pagbibigay ng regalo ay sabay-sabay na ginagawa sa pamamagitan ng paggamit ng bagong teknolohiya.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang mga tagapag-alaga at mga magulang ng mga bata na buong pusong nag-aalaga sa kanila.