NSC hinikayat ang grupong “Atin Ito” na huwag ituloy ang planong Christmas Convoy sa BRP Sierra Madre
Hindi pabor ang National Security Council (NSC) sa planong Christmas Convoy patungo ng BRP Sierra Madre (LS 57) sa Ayungin Shoal.
Sa pahayag sinabi ni NSC Assistant Director General at spokesperson Jonathan Malaya, bagaman suportado ng NSC ang layunin ng “Atin Ito” coalition na maghatid ng holiday cheer sa mga frontliner sa West Philippine Sea, hindi ito napapanahong gawin sa Ayungin Shoal ngayong mataas pa ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa halip, hinikayat ng NSC na gawin ang Christmas Convoy sa iba pang occupied features sa Kalayaan Island Group kung saan mayroon ding mga sundalong nakabantay.
Kabilang dito ang Lawak Island, Kota Island, Likas Island, Pag-asa Island, Parola Island, Panata Island, Patag Island, at Rizal Reef.
Ayon kay Malaya, mayroon ding mga frontliner na nakatalaga sa nasabing mga lugar na maaaring pagkalooban ng Christmas goodies at donasyon.
Kung nanaisin ng grupo, ang kanilang mga regalo at donasyon ay maaari ding ipagkatiwala sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) para maihatid sa BRP Sierra Madre kasabay ng isasagawang routine rotation at resupply missions.
Ayon sa NSC, sapat ang suplay na naihahatid sa mga sundalo na nasa Ayungin Shoal bunsod ng regular na RORE missions. (DDC)