DSWD sa publiko: Huwag limusan ang mga nanlilimos sa kalsada
Patuloy ang pagkakasa ng “Oplan Pag-abot” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para masagip ang mga nanlilimos sa kalsada na dumarami na naman ngayong papalapit ang holiday season.
Sinabi ni DSWD Asst. Sec. at spokesperson Romel Lopez, nag-hire ng dagdag na empleyado ang DSWD para sa pagpapatupad ng “Oplan Pag-abot”.
Sinabi ni Lopez na hindi nais ng DSWD na ginagamit ang mga bata bilang “props” sa panlilimos dahil hindi ito makabubuti sa kanilang kalusugan.
Ani Lopez katuwang ng DSWD sa nasabing programa ang Metro Manila Council para magbigay ng intervention sa mga masasagip na kababayan.
Hinikayat sila ng DSWD na bumalik sa kani-kanilang mga probinsya.
Maaari din silang maisama sa 4Ps programa ng ahensya.
Paalala ng DSWD sa publiko, huwag limusan ang mga nanlilimos sa kalsada dahil kapag binigyan sila ay tila hinihikayat pa silang manatili sa kalsada. (DDC)