P11M na halaga ng tulong naipamahagi na ng DSWD sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao
Umabot na sa mahigit P11 million na halaga ng tulong ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilya na naapektuhan ng magnitude 6.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon kay Assistant Secretary Romel Lopez, batay sa direktiba ni Secretary Rex Gatchalian, agad pinakilos ang mga tauhan ng DSWD para magpaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng lindol.
Ani Lopez, nakipag-ugnayan ang DSWD sa mga local government units (LGUs) para sa mas mabilis na pamamahagi ng family food packs (FFPs) at cash aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Umabot na sa 1,015 FFPs ang naipamahagi ng DSWD Field Office 11 sa Don Marcelino at Sarangani sa Davao Occidental.
Habang ang DSWD Field Office 12 (SOCCSKSARGEN) ay nakapamahagi na ng 8,200 food boxes sa provincial government ng Sarangani, partikular sa munisipalidad ng Glan at sa General Santos City.
Sa General Santos City at sa munisipalidad ng Glan at Malapatan sa Saragani, umabot sa 2,317 na benepisyaryo ang tumanggap na ng cash assistance.
Ayon sa DSWD mayroon itong mahigit P2.8 billion na halaga ng standby funds at stockpile para sa agarang tulong sa mga apektado ng kalamidad. (DDC)