Abalos sa bagong halal na SK officials: No to nepotism
Pinaalalahanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang mga bagong halal na opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na iwasang magtalaga o mag-appoint ng kaanak bilang SK secretaries at treasurers.
“This appointment will mirror the SK officials’ credibility and shall be a precedent to their leadership,” sabi ni Abalos.
“Kaya mahalagang simulan nila ito [appointment] nang tama. Bawal ang kamag-anak system sa pag-appoint ng SK secretary at treasurer,”dugtong ng kalihim.
Kaugnay nito naglabas si Abalos ng DILG Memorandum Circular (MC) 2023-167 kung saan nakasaad sa sirkular na ang bagong SK secretary at treasurer ay hindi dapat magmumula sa second civil degree of consanguinity o affinity ng sinumang incumbent elected national, regional, provincial, city, municipal o barangay official sa lokalidad kung saan siya matatalaga.
Ang bagong circular ay kapalit ng DILG-issued MC No. 2018-131 na may petsang August 15, 2018, na inisyal na nagtatakda ng guidelines ukol sa appointment ng SK secretaries at treasurers.
Sinabi pa ni Abalos na bukod sa pag-iiwas sa pagtatalaga ng kaanak, dapat pumili ang SK officials ng mga kuwalipikadong kalihim at ingat-yaman sa loob ng 60 na araw simula sa pag-upo sa puwesto.
“Bukod sa pagdalo sa SK Mandatory training, isa sa mga unang responsibilidad ng bagong SK officials ang pag-appoint ng secretary at treasurer,” ipinunto ng DILG.
“Hinihiling ko lang na sana ay piliin nila yung qualified sapagkat sila ang mga makakasama din nila sa paglilingkod,” dugtong ni Abalos.
Sa parehong memorandum, inihayag ng DILG Secretary ang mga inamyendahang guidelines upang iasiste SK officials sa pagpili ng kuwalipikadong secretary at treasurer alinsunod sa Section 10 ng Republic Act (RA) No. 10742 na namyendahan ng RA No. 11768.
Ang appointee ay kinakailangang residente ng barangay ng hindi bababa sa isang taon; nakakabasa at nakakasulat ng Filipino, English, o lokal na lengguwahe; at dapat na hindi nahatulan ng anumang krimen na may kinalaman sa moral na kasamaan.
Idinagdag pa ni Abalos na ang SK treasurer ay dapat mayroong educational background kaugnay sa business administration, accountancy, finance, economics, o bookkeeping.
Pinapayagan lamang ang SK Chairperson na ikonsidera ang ibang nararapat na nominado kung walang miyembro ang makaaabot sa mga educational requirements.
Aniya ang itinalagang SK secretaries at treasurers ay dapat na sumailalim sa mandatory training program bago umupo sa puwesto, sumabak din sa mandatory bookkeeping training pagkatapos at bago sertipikahan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bago mag-umpisang magtrabaho sa opisina. (Bhelle Gamboa)