Payo ng isang motivational speaker sa mga empleyadong tatanggap ng 13th Month Pay: “magbayad muna ng utang”
Dahil marami ng empleyado ang nag-aabang ng kanilang matatanggap na 13th Month Pay, may payo ang isang motivational speaker sa kung paano nga ba ito dapat gastusin.
Sa isang panayam, sinabi ni Michael Lizondra, Entrepreneur, Motivational Speaker at DTI-Go Negosyo Coach, nilikha ang batas na nagbibigay ng 13th Monty Pay para mapunan ang kakulangan ng sweldo ng mga empleyado.
Dahil dito, ang pinakamatalinong paraan aniya na gamitin ito ay hatiin ito sa labindalawang buwan para pandagdag sa kita sa susunod na taon.
Pero naging kasanayan na aniya ng mga Pinoy na gastusin ang 13th Month Pay sa panghanda sa Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay Lizondra, para mas maging makabuluhan ang paggamit sa 13th Month Pay, mainam na 50 percent nito ay ipambayad sa utang o mga bill.
Ang nalalabing 50 percent ay maaari ng ipambili ng regalo sa mga mahal sa buhay at ipanghanda sa Pasko at Bagong Taon.
Sa ganitong paraan sinabi ni Lizondra, na mas magiging magaan ang pagsalubong sa Bagong Taon dahil bawas na ang utang at bills na kailangang bayaran.
Samantala, nakikita ni Lizondra na marami pa ring Pinoy ang kailangang matutunan ang tamang paghawak o pag-budget ng pera.
“Maraming Pinoy naka-focus lagi sa kakulangan e, kahit tumataas ang sweldo walang naiipon,” ayon kay Lizondra.
Payo ni Lizondra, kung kahit maliit na halaga ay mag-iipon kada sweldo ay malaking bagay ito kapag naipon sa loob ng isang taon.
Para mabago ang mindset ng mga Pinoy tungkol sa paghawak ng pera at tungkol sa pag-iipon, pinayuhan ni Lizondra ang mga magulang na ituro na ito sa mga kanilang mga anak habang sila ay mga bata pa lamang. (DDC)