Magandang suplay ng produktong petrolyo at pagbaba ng presyo nito, posibleng magtuloy-tuloy hanggang katapusan ng taon – DOE
Posibleng magtuloy-tuloy hanggang sa katapusan ng taon o hanggang sa first quarter ng taong 2024 ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi ni Atty. Rino Abad, Director ng Oil Industry Management Bureau – Department of Energy, maganda ang magiging suplay ng produktong petrolyo hanggang sa katapusan ng taon na magdidikta sa magandang presyuhan nito.
Tatlong factors ang binanggit ni Abad na maaaring maging rason para magpatuloy ang magandang suplay ng produktong petrolyo at pagbaba ng presyo nito hanggang sa katapusan ng taon.
Ani Abad, kabilang dito ang pagbaba ng manufacturing activity sa China na dahilan para humina ang demand nila sa fuel.
Batay sa Manufacturing Performance Index report sinabi ni Abad na maaaring tumagal ito hanggang sa unang quarter ng taong 2024.
Binanggit din ni Abad ang report na mayroong build-up ng halos 1 milyong barrel ng crude oil sa Estados Unidos.
Nangangahulugan itong humihina ang paggamit nila sa langis.
Wala ding epekto sa suplay ng produktong petrolyo ang kasalukuyang kaguluhan sa Israel.
Ayon kay Abad, ang pitong bansa sa Persian Gulf na nagsu-suplay ng 30 percent ng produktong petrolyo sa global market ay hindi nagkaroon ng problema sa suplay sa kabila ng nangyayaring gulo sa Israel at Hamas.
Sa kabila nito, sinabi ni Abad na walang projection ng long-time o pangmatagalang pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo.
Maaari aniyang magkaroon pa rin ng pagbabago sa supply at demand pagkatapos ng unang quarter ng taong 2024 na maaaring agad makaapekto sa presyo. (DDC)