Bagyo sa labas ng bansa, humina at naging LPA na lang
Humina at naging Low Pressure Area (LPA) na lamang muli ang bagyong binabantayan ng PAGASA sa labas ng bansa.
Ang LPA ay huling namataan sa layong 1,620 kilometers East ng Southeastern Mindanao.
Ayon sa PAGASA, hindi pa rin nito inaalis ang posibilidad na muling mabuo bilang ganap na bagyo ang nasabing LPA depende sa environmental conditions.
Papasok sa bansa ang nasabing sama ng panahon sa Miyerkules (Nov. 15) o kaya ay sa Huwebes (Nov. 16).
Una ng sinabi ng PAGASA na papangalanan itong “Kabayan” kapag pumasok sa bansa bilang bagyo.
Samantala, Shear Line at Northeast Monsoon ang weather system na umiiral ngayon sa bansa.
Ayon sa PAGASA, ang Shear Line ay magdudulot ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan sa Bicol Region, Quezon, Northern Samar, Eastern Samar, at Samar.
Maulap na papawirin din na may pag-ulan ang mararanasan sa Cagayan Valley, Ilocos Norte, at Apayao dahil sa Amihan.
Habang bahagyang maulap na hanggang sa maulap na papawirin na may isolated na mahinang pag-ulan ang mararanasan sa Central Luzon, nalalabing bahagi ng Ilocos Region, at sa nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa Metro Manila at sa nalalabi pang bahagi ng bansa, bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na isolated na pag-ulan at thunderstorms ang mararanasan. (DDC)