BuCor nanawagan sa SC ng malinaw na guidelines sa GCTA
Nanawagan ang Bureau of Corrections (BuCor) sa Supreme Court (SC) na magbigay ng malinaw na guidelines sa magandang pakinabang sa Republic Act 10592 o mas kilala sa tawag na Good Conduct Time Allowance Law (GCTA).
Sa isinumiteng position paper sa SC, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang na ang GCTA ay isang magandang batas subalit ang aplikasyon nito nakakalito.
Inihalimbawa nito ang mga kaso sa desisyon ng SC sa Gil Miguel v. the Director, Bureau of Prisons, UDK-15368, September 15,2021, kung saan inihayag ni Catapang na ang ilang persons deprived of liberties (PDLs) na nahatulan ng murder at iba pang karumal-dumal na krimen ay nadiskuwalipika na mabigyan ng GCTA.
Ngunit sa isang kaso na naconvict sa heinous crime na Kidnapping for Ransom, iniaplay ng SC sa Inmates ng Bilibid case na kung saan kuwalipikado sa mga benepisyo ng RA 10592 at nirefer ang kaso sa Regional Trial Court ng Muntinlupa Branch 206 para sa determinasyon ng haba ng panahon sa aktuwal na pagkakakulong,pagcompute sa GCTA at kung kuwalipikado ito sa agarang pagpapalaya magmula sa pagkabilanggo nito hanggang sa kabuuang sentensiya.
Aniya, noong March 17, 2023 naitala ng BuCor ang 136 PDLs na sobrang nagbuno ng sentensiya na maximum 40-taon pagkabilanggo kung sila ay mag-aaplay ng GCTA at kung ang panghahawakan ng BuCor sa pagpapalaya sa mga ito at pagproseso ng mga papeles ng ibang karapat-dapat na PDLs ay ang Miguel case at ng 2019 amended IRR ng GCTA law.
Hinihiling din ng BuCor ng paglilinaw mula sa SC sa duration ng penalties kung ikocompute sa 30-taon o 40-taon gayundin ang pag-iisyu ng malinaw na guidelines lalo na sa wastong formula kung paano ang pagcompute sa GCTA, Special Time Allowance for Loyalty, Time Allowance for Teaching and Mentoring at Credit for Preventive Imprisonment.
Sa ngayon, sinabi ni Catapang na sumusunod ang BuCor sa Definite 40 Rule sa pagcompute ng GCTA na nakasaad ang penalty ng tatlong reclusion perpetua na nakatuon sa 40-taong limit sa People v. Vidal, 127 SCRA 168 [1984].
Nais din ng BuCor na ideklarang void at ilegal ang Section 2, Rule IV ng 2019 Amended IRR na nagdidiskuwalipika sa PDLs mula sa mga benepisyo para sa mga nakagawa ng karumal-dumal na krimen.
“It is our earnest hope that this issue be taken up during the Tripartite Justice Sector Coordinating Council national summit scheduled next month where the problem of congestion in prison facilities will be discussed,” ani Catapang. (Bhelle Gamboa)