PhilRice walang balak kontrolin ang mga restaurant na nag-aalok ng “unli rice”
Walang balak ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) na kontrolin ang mga restaurant na nag-aalok ng “unli rice”.
Ito ang pahayag ni Dr. Hazel Antonio, Senior Science Research Specialist ng Department of Agriculture (DA) – Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Kasunod ito ng inilabas na pag-aaral ng PhilRice na dalawang kutsarang kanin ang nasasayang kada araw.
Aminado si Antonio na kabilang sa “rice wastage” ay nagmumula sa pag-aalok ng “unli rice” ng ilang food chains.
Pero ayon kay Antonio, hindi layunin ng PhilRice na kontrolin ang mga restaurant sa kanilang mga promo kabilang ang “unli rice”.
Gayunman, umapela ang PhilRice sa mga restaurant na paulit-ulit na paalalahanan ang kanilang mga customer na tiyaking uubusin ang kukuhanin nilang kanin.
Welcome naman sa PhilRice ang mga ordinansa na ipinatutupad ng mga Local Government Units (LGUs) kung saan inaatasan ang mga restaurant sa kanilang nasasakupan na mag-alok ng half rice. (DDC)