TPLEX Extension Project aprubado na ng NEDA
Aprubado na ng board ng National Economic Development Authority (NEDA) ang tatlong high-impact projects ng pamahalaan.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, may go signal na ang NEDA para simulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) Extension Project.
Ang TPLEX Extension Project ay ipatutupad sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP), na kapapalooban ng 59.4 km 4-lane toll road na sisimulan sa TPLEX sa Rosario, La Union hanggang sa San Juan, La Union.
Tinatayang aabot ang total project cost sa P23.4 billion.
Kabilang din sa inaprubahan ng NEDA board ang “Pang-Agraryong Tulay Para sa Bagong Bayanihan ng mga Magsasaka” at ang phase 3 ng Maritime Safety Capability Improvement Project.
Noong nakaraang buwan ay una ng inaprubahan ng NEDA Board ang dalawa pang PPP projects kabilang ang Dialysis Center PPP Project para sa Renal Center Facility ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) at ang Upgrade, Expansion, Operation, and Maintenance ng Bohol-Panglao International Airport Project. (DDC)