Pagpapaigting ng seguridad at mas pagpapabuti ng serbisyo ng Pasig River Ferry tiniyak ng PCG at MMDA
Lumagda sa kasunduan ang Philippine Coast Guard (PCG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa pagpapaigting pa ng seguridad at pagsasaayos ng serbisyo ng Pasig River Ferry Boats.
Ang nilagdaang kasunduan ay salig sa Executive Order No. 35 o “Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development.”
Pinangunahan nina PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan at MMDA Acting Chairman, Atty. Romando Artes, ang paglagda sa kasunduan.
Sa ilalim ng MOA, nakasaad na ang PCG ay dapat magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng merchant ships at vessels, bago ang paglalayag ng mga ito para matiyak na nakasusunod sa safety standards, rules, and regulations.
Ang PCG din ay dapat magsagawa ng emergency readiness evaluation sa mga merchant marine vessels.
Tungkulin din ng PCG na makipag-coordinate, bumuo, magpanatili at mag-operate ng aids to navigation, vessel traffic system, maritime communications, at search and rescue facilities.
Sa panig ng MMDA patuloy nitong gagampanan ang pag-operate at pag-maintain sa Pasig River Ferry Service.
Tungkulin din ng ahensya na ihanda ang kanilang rescue boats para sa mga disaster-related activities. (DDC)