Special elections sa Negros Oriental, hindi na matutuloy ayon sa Comelec
Kinansela na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng special elections sa Negros Oriental para sana mapunan ang puwestong nabakante ng pinatalsik na kongresista na si Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Ito ay makaraang i-adopt ng poll body ang House Resolution 154 ng Kamara kung saan binabawi na at inaabandona ang naunang resolusyon na nag-aatas ng pagsasagawa ng special elections sa Third Legislative District ng Negros Oriental.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang Kongreso ang tanging may kapangyarihan para magpatawag ng special elections.
Ito rin ang may kapangyarihan para magpasya na hindi magsagawa ng special elections.
Ang tanging mandato aniya ng Comelec ay ang ipatupad ang kautusan ng Kamara.
Dahil dito, inatasan ni Garcia ang Regional Director ng Comelec sa Central Visayas, ang Comelec Supervisor sa Negros Oriental at lahat ng Election Officers, kabilang ang citizens arms na itigil na ang mga paghahanda.
Gaganapin dapat ang special elections sa nasabing lalawigan sa December 9, 2023. (DDC)