Publiko huwag ng paasahin sa P20/kl na bigas ayon sa grupo ng mga magsasaka
Hindi na dapat paasahin pa ang publiko na kakayanin pang pababain ng P20 ang halaga ng kada kilo ng bigas.
Reaksyon ito ng grupong Federation of Free Farmers sa pahayag ni Sen. Imee Marcos na dahil maganda ang suplay ng palay ngayon sa bansa ay kakayanin pang maibaba ang presyo ng bigas.
Sa isang panayam sinabi ni Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers, sa ngayon ay P25 na ang bilihan ng palay at kapag naging bigas na magiging P50 na ito kada kilo.
Ang mga pahayag sa pagpapababa ng presyo ng bigas ayon kay Montemayor ay magdudulot lamang ng pangamba sa mga magsasaka.
Naniniwala si Montemayor na mas dapat pagtuunan ng gobyerno ang pagpapadami ng produksyon ng palay sa bansa upang kalaunan ay mapababa ang presyo nito sa merkado.
Samantala, ikinatuwa naman ng grupo ni Montemayor ang pangako ni bagong Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na paiigtingin ang local production sa bansa.
Naniniwala din si Montemayor na dapat bigyan ng tsansa si Laurel na ipakita ang kaniyang kakayahan sa trabahong iniatang sa kaniya. (DDC)