Pa-bingo at iba pang parlor games na ginagamit sa vote buying, mahigpit na binabantayan ng DILG
Binalaan muli ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang mga kandidato na planong gamiting gimik ang bingo at iba pang parlor games upang dayain ang mga batas sa halalan at bumili ng boto lalo na ngayong kasagsagan ng kampanyahan para sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
“Ang dating gimik ng paggamit ng mga bingo games o iba pang papremyo para itago ang pagbili ng boto, ay bistado na. Huwag niyo nang subukan ang ganitong istilo, tiyak na mahuhuli kayo at makakasuhan,” pahayag ni Sec. Abalos.
Pinapaalalahanan ng kalihim ang publiko na ang vote-buying ay isang paglabag sa eleksiyon na may kaparusahang hanggang anim na taon pagkakakulong at diskuwalipikasyon buhat sa pampublikong tanggapan.
“Sec. 25 (e) of COMELEC Resolution No. 10946 provides that vote-buying could be presumed in case of “holding of bingo games, talent shows or other similar activities that involves the distribution of prizes by the candidates, or their supporters, or by any person in which the names of the candidates are mentioned, or those conducted in a place where the names or the pictures of the candidates are displayed or visible,” paliwanag pa ng kalihim.
Muling iginiit ni Abalos na hindi na makakalusot sa paggamit ng bingo games para bumili ng boto. (Bhelle Gamboa)