Multa sa mga motoristang lalabag sa EDSA exclusive bus carousel lane, itataas ng MMDA
Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nakatakdang pagtataas ng multa na ipapataw sa mga lalabag sa EDSA exclusive bus carousel lane.
Ayon kay MMDA acting chairperson Atty. Don Artes na magsasagawa muna sila ng information campaigns bago ang buong implementasyon ng bagong polisiya.
Sa ilalim ng pagpapatupad ng mas mataas na multa, P5,000 ang ipapataw sa 1st offense, P10,000 naman at 1 month suspension ng driver’s license at pagsasailalim sa road safety seminar para sa 2nd offense.
Sa ikatlong paglabag ng motorista, P20,000 na ang multa at 1 year suspension ng kaniyang driver’s license.
Habang sa 4th offense, P30,000 na multa, at irerekomenda na sa Land Transportation Office ang pagbawi sa kaniyang lisensya.
Binigyang importansiya ni Artes na ang pagtataas ng penalty ay hindi laban sa mahihirap o anti-poor at money-making scheme.
“Based on our data and observation, there are those who are willing to pay the P1000 fines and violated the exclusivity of the bus lane because they can afford it… kalimitan kotse ng mayayaman,” pahayag ng MMDA chief.
Subalit agad nilinaw ng opisyal na ang MMDA ay magsasagawa muna ng information campaigns upang malaman ng publiko ang pagtataas ng mga multa bago ang pangkalahatang implementasyon nito.
Samantala klinaro rin ni Artes na kahit inaprubahan ng MMC, ang petsa ng implementasyon ng no window hour coding scheme ay kailangan munang matukoy.
“We will assess first the situation of Metro Manila roads from November 6 to 12, after the return of vacationers from the provinces for the Undas break. We expect 15 to 20% additional vehicle volume as the holiday nears, that’s the time we will decide whether or not to implement the 7am to 7pm number coding scheme in Metro Manila,” dagdag pa ni Artes.
Aniya ang kasalukuyang number coding hours na 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga at 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi ay patuloy pa rin umiiral. (Bhelle Gamboa)