DILG nagbabala sa vote-buying sa pamamagitan ng e-payments platforms
Ikinabahala ng Deparment of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang posibleng paggamit ng mga kandidat sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ng electronic payment system sa pagbili ng boto o vote buying.
Dahil dito, binalaan ni Abalos ang mga kandidato na nagpaplanong gumawa nito.
Tahasang sinabi ni Sec. Abalos na tutugisin nila at titiyakin na mapaparusahan dahil sa pandaraya.
Ayon pa sa DILG chief, ang mga kandidatong mapapatunayan na bumibili at bibili ng boto sa pamamagitan ng mga e-payment platforms gaya ng GCash, Maya at iba pa ay mananagot sa batas at titiyakin niya katuwang ng Comelec na matatanggal sa puwesto kahit pa manalo sila sa bilangan.
Sinabi ni Abalos na hihilingin ng ahensya sa mga nabanggit na payment platforms na masusing imonitor ang mga transaksyon at tukuyin ang mga kanina-hinalang aktibidad.
Malapit din aniya ang pakikipag-ugnayan ng DILG sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang siguruhin ang kinakailangang technical and regulatory supports na maibibigay para sa monitoring at tracking sa mga pinaghihinalaang electronic transactions.
Ang DILG ay nakikiisa sa hangarin ng COMELEC kasama ang BSP at Anti-Money Laundering Council na magdaos ng isang malinis na halalan sa ating bansa. (Bhelle Gamboa)