Rehabilitasyon ng Ilog Pasig tinalakay sa pulong ng MMDA, DHSUD kasama si First Lady Liza Marcos
Sumentro ang talakayan ukol sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig sa pagpupulong sa pagitan ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development at ni First Lady Liza Marcos kamakailan.
Iprinisinta ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes ang mga ginagawa ng ahensiya para sa pagsasaayos ng ilog kung saan bumabaybay ang MMDA Pasig River Ferry Service na nagsisilbing alternatibong transportasyon sa Metro Manila.
Inilahad naman ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary and concurrent Chairperson ng Inter-Agency Council Jose “Jerry” Acuzar ang kaniyang “grand design” para sa pagsasaayos ng Ilog Pasig.
Sinabi naman ng First Lady na kanyang titipunin ang mga eksperto mula sa lokal at internasyunal para matiyak ang tagumpay ng isinusulong na masterplan.
Ang Inter-agency Council for the Pasig River Urban Development ay binuo alinsunod sa Executive Order No. 35 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-aatas na ayusin ang kahabaan ng Ilog Pasig, kabilang ang tributaries at mga nakapaligid na komunidad dito. (Bhelle Gamboa)