China pinahihinto ang Pilipinas sa umano’y mga walang basehang pag-atake; BRP Sierra Madre pinatatanggal sa Ayungin Shoal
Nakipagkita sa opisyal ng Department of Foreign Affairs si Deputy Chief of MIssion of the Chinese Embassy in the Philippines Zhou Zhiyong.
Ito ay kasunod ng panibagong insidente na naganap sa West Philippine Sea.
Sa inilabas na pahayag ng Chinese Embassy in the Philippines, kinausap ni Zhou si Foreign Affairs Asst. Sec. Aileen Mendiola-Rau.
Ipinabatid umano ni Zhou kay Rau ang mariing pagtutol ng China sa pahayag ng mga otoridad ng Pilipinas sa insidente na naganap noong Linggo, Oct. 22.
Igiiniit ni Zhou sa DFA na ang lugar na pinagyarihan ng insidente sa Ren’ai Jiao ay bahagi ng teritoryo ng China sa Nansha Qundao.
Sinabi ni Zhou na hinihikayat ng China ang Pilipinas na sundin ang pangako nitong hindi gagawa ng mga mapaghamong hakbang sa teritoryo.
Dapat din umanong itigil na ng Pilipinas ang mga walang basehang pag-atake sa China.
Pinatatanggal din ng China ang anila ay warship ng Pilipinas na BRP Sierra Madre sa pinag-aagawang teritoryo upang matiyak ang pagkakaroon ng kapayapaan at stability sa South China Sea. (DDC)