Larawan na nagpapakita mga barko ng China na nakapalibot sa mga barko ng Pilipinas, inilabas ng PCG
Inilabas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang larawan na kuha noong umaga ng Oct. 22, 2023 kung saan makikita na ang mga barko ng Pilipinas ay napapaligiran ng 4 na barko ng Chinese Coast Guard at 8 Chinese Maritime Militia Vessels.
Kita sa larawan ang dalawang barko ng Coast Guard na BRP Cabra at BRP Sindangan kasama ang Unaiza May 2 na kinontrata ng AFP upang maghatid ng suplay sa mga sundalo na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Ang larawan ay inilabas sa social media ng PCG matapos ang pahayag ng Chinese Coast Guard kung saan inaakusahan nito ang Pilipinas na lumabag sa international marine law at naging banta sa navigation safety ng Chinese ships.
Ayon sa CCG, ang barko ng Pilipinas ay pumasok sa sa kanilang teritoryo sa bahagi ng Nansha islands at Renai Reef, dahilan para gumawa ng hakbang ang Chinese Coast Guard ship na nagresulta sa “minor collision.”
Sa kaniyang pahayag sinabi ni Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, hindi sasagot ang PCG sa mga kasinungalingan at sa halip ay maglalahad lamang ng katotohanan.
Sinabi ni Tarriela na ang mga pahayag na inilabas ng PCG tungkol sa insidente ay may kaakibat na mga video at larawan. (DDC)