1,000 sundalo ipinadala sa BARMM para sa idaraos na Barangay at SK Elections
Nasa isang libong tauhan ng Philippine Army (PA) ang itinalaga sa mga lalawigan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para magtiyak ng seguridad sa idaraos na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30, 2023.
Lulan ng eroplano ng Philippine Airforce ang mga sundalo na bumiyahe sa BARMM.
Sila ay galing sa iba’t ibang units ng Philippine Army sa Luzon at Mindanao.
Kabilang sa mandato ng security forces ng pamahalaan ang tumulong sa Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga tauhan sa pagdaraos ng eleksyon.
Kasama din sa tungkulin ng mga sundalo ang tiyakin na available ang transportation assets, communications systems, at iba pang kagamitan para sa eleksyon.
Inatasan ni Army Commanding General Lt. Gen. Roy M. Galido ang mga tauhan nito na gawin ang kanilang tungkulin upang matiyak ang ligtas, maayos at payapang eleksyon sa rehiyon.
Inatasan din Galido ang mga sundalo na paigtingin ang security efforts sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) at iba pang government security forces sa BARMM. (DDC)