Pamahalaan hindi patitinag sa panibagong paghahamon ng mga barko ng China sa West PH Sea
Hindi magpapatinag ang bansa at patuloy na magsasagawa ng misyon sa West Philippine Sea kasunod ng pinakabagong mapaghamong aksyon ng mga barko ng China.
Ayon kay National Security Adviser Secretary Eduardo M. Año, magpapatuloy ang resupply mission para mahatiran ng pagkain at iba pang pangangailangan ang mga tropa ng pamahalaan na nakadestino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ang pahayag ni Año ay kasunod ng magkasunod na insidente ng dangerous maneuver na ginawa ng Chinese Coast Guard at militia vessels resulted na nagresulta sa banggaan habang nagsasagawa ang mga barko ng Pilipinas ng routine and regular rotation and resupply (RORE) mission.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Vice Admiral Alberto Carlos, Commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM), sa kabila ng ginawa ng mga barko ng China naging propesyunal ang mga mga crew ng barko ng Pilipinas para maiwasan ang hindi inaasahang insidente o aksidente.
Ayon naman PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, sa kabila ng nangyari ay matagumpay na naisagawa ang resupply mission dahil sa pagpapakita ng propesyonalismo ng mga tauhan ng AFP at PCG dahilan para hindi na lumala pa ang tensyon.
Hinikayat ni Gavan ang China Coast Guard (CCG) na sumunod sa maritime safety provisions ng UNCLOS at ng Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea. (DDC)