Las Piñas COMELEC naglabas ng common poster areas at campaign guidelines
Opisyal nang binuksan ng Commission on Elections (COMELEC) ang panahon ng kampanya ng mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) simula ngayong araw, October 19 at magtatapos ng October 28, 2023.
Kaugnay nito naglabas ang Las Piñas COMELEC ng listahan ng common poster areas sa 20 na barangays sa lungsod.
Istriktong ipinapatupad din ng Komisyon ang mga guidelines para sa mga campaign materials na ikakabit lamang sa mga itinakdang common poster areas.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pamamahagi ng pagkain o inumin sa campaign meetings o sorties dahil ikinokonsidera itong “vote buying” o pagbili ng boto ng mga botante.
Bukas, October 20 naman sisimulan ng COMELEC ang kanyang Operation Baklas sa mga illegal campaign materials na lumagpas sa itinakdang sukat na indibiduwal na posters, billboards, posters at tarpaulins.
Bukod dito, babaklasin din ang mga election campaign o propaganda materials na nakalalabag sa gender sensitivity principles,malaswa,nagsasaad ng diskriminasyon, nakakasakit, at iba pang paglabag,at posters na walang nakasulat na “Political advertisement paid for/by_____” o “printed free of charge”.
Hindi naman magbabaklas ng campaign materials sa mga pampublikong lugar tulad ng plaza, pamilihan o palengke, barangay centers at iba pang katulad na lugar kung saan madaling makikita o mababasa ang posters ng mga tao.
Magtatapos ang Oplan Baklas ng COMELEC sa October 27.
Layunin nitong isulong ang patas, malinis at payapang BSKE 2023 sa lungsod. (Bhelle Gamboa)