Subsidiya sa mga lalahok sa PUV Modernization Program itinaas pa ng gobyerno
Mula sa dating P160,000, itinaas na sa P280,000 ang halaga ng subsidiya na inilaan ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga nais bumili ng modern na pampublikong sasakyan sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Alinsunod sa Department Order (DO) No. 2023-018 at LTFRB Memorandum Circular No. 2023-045, maaari nang makahiram ng hanggang sa PHP 280,000 na subsidiya ang sinumang interesado na lumahok sa PUVMP upang makabili ng modern unit na Class 2, 3, o 4.
Habang P210,000 naman ang alok na subsidiya para sa modern unit na Class 1.
Ayon sa LTFRB, layon ng naturang hakbang na makapagbigay ng karagdagang tulong sa mga kwalipikadong consolidated entity na nais makabili ng modern PUV units.
Ito ay bilang pakikiisa sa hangarin ng pamahalaan na maging modernisado, komportable, at ligtas ang pampublikong transportasyon sa bansa.
Ang subsidiya ay ibibigay sa pamamagitan ng special loan facilities sa Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philippines (LBP). (DDC)