Voting simulation exercise para sa BSKE sa Las Piñas isinagawa ng COMELEC
Bilang paghahanda sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30, pinangasiwaan ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang voting simulation exercise sa Robinsons Mall Las Piñas kahapon.
Layunin ng aktibidad na suriin ang kahandaan ng parehong mangangasiwa ng eleksiyon at ng mga botante maging ang pagtukoy sa anumang potensiyal na isyung maaaring lumitaw sa araw ng halalan.
Personal na tinutukan ito ng mga opisyal ng COMELEC kabilang sina Chairman Atty. George Garcia, Commissioners Nelson Celis at Atty. Rey Bulay.
Ang simulasyon ay mahalagang hakbang para siguruhing nasusunod ang wastong proseso ng pagboto at upang makagawa ng kinakailangang adjustment o pagbabago bago ang aktuwal na halalan.
Nagsilbi rin itong kaalaman upang magamay ng mga botante ang proseso ng botohan at maging maayos ang aktibidad.
Bahagi ito ng COMELEC sa pagtataguyod ng patas, malinis at maayos na eleksiyon ng Barangay at SK.
Karagdagang mga hakbang ito na ipinapatupad ng Komisyon kabilang ang voter education campaigns at pagsusuri sa mga kandidato.
Ang resulta ng simulasyon ay susuriin ng mabuti upang tugunan ang anumang kahinaan o erya para mapagbuti ng Komisyon. (Bhelle Gamboa)