Problema sa kakapusan ng license plates matutugunan bago matapos ang buwan ng Nobyembre – LTO
Umaabot na sa isang milyong plaka ng sasakyan ang nalilikha ng Land Transportation Office (LTO) kada buwan.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, sa lalong madaling panahon ay inaasahang matutugunan na ang backlog sa license plates.
Sa ngayon ayon kay Mendoza, mayrong 80,000 backlog sa license plates para sa motor vehicles.
At sa kasalukuyang production rate ng plaka, sinabi ng LTO na matutugunan ang problema sa suplay bago matapos na buwan ng Nobyembre.
Ang kasalukuyang demand ng plaka para sa motor vehicle ay nasa 2,000 vehicles kada araw o 4,000 kada araw para sa dalawang plaka kada isang sasakyan.
Dahil dito, sa mga susunod na buwan, hindi na aniya maghihintay ng matagal ang mga may-ari ng bagong biling sasakyan para makuha ang kanilang plaka.
Ang target ani Mendoza ay sa loob ng 7 hanggang 10 araw ay makukuha na ang plaka ng mga bagong biling sasakyan. (DDC)